Isinusulong ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na gawing madali, accessible at mas mababa ang interes para sa loan ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Sa panukalang “RURAL AGRICULTURAL AND FISHERIES FINANCING ENHANCEMENT SYSTEM ACT” bukod sa gagawing accessible ang banking services sa mga magsasaka, itinutulak din ni Salceda ang ilang reporma sa mga bangko para suportahan at palawakin ang mga kailangang financial inclusion projects sa mga probinsya.
Inaamyendahan ng panukala ang Agri-Agra Reform Act of 2009 o Republic Act No. 10000 na layong magpasa ng mga reform bills para makamit ng bansa ang credit “A” rating alinsunod na rin sa hiling ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Naging problema aniya sa kasalukuyang batas ang kawalan ng mekanismo para matulungan ang produksyon ng mga magsasaka, mababang kita, at pagiging high risk-credit ng mga ito.
Sa ilalim ng panukala, inoobliga ang mga bangko na magtakda ng credit level para sa mga magsasaka at mangingisda gayundin ang pagpapadali para sa pagpapautang at mas mababang interest ng loans.
Ibig sabihin, layon ng pagamyenda na walang gastos na ilalabas ang mga magsasaka kung sila ay mangungutang.
Hindi aniya naging epektibo ang Agri-Agra Reform Act dahil wala namang mga bangko ang karamihan sa mga magsasaka at high-risk din ang mga ito pagdating sa pagpapautang ng mga conventional banks dahil sa dami ng kailangang requirements.