Mas dumami pa ang naitalang nasayang na COVID-19 vaccine dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette.
Ayon kay Dr. Kezia Lorraine Rosario ng National Vaccination Operations Center (NVOC), kasalukuyan pang nagsasagawa ng pagsusuri ang Department of Health (DOH) kung alin sa mga bakuna ang maaari pang gamitin at dapat ng itapon.
Ituturing na “for dispossal” na ang isang bakuna kung lumutang ito sa baha, nasira ang label dahil matagal itong nabasa, at kung tumagal ng mahigit apat na oras sa bagong temperatura dahil walang suplay ng kuryente.
Bagama’t nais ng mga lokal na pamahalaan na isalba ang lahat ng bakuna, tiniyak ng NVOC na prayoridad pa rin ang kaligtasan ng mga ito bago iturok sa mga tao.
Sa ngayon ay inaaalam pa ang kabuuang bilang ng mga bakunang nasira dahil sa nagdaang bagyo.