Sa isinagawang town hall meeting, inihayag ni DOH Regional Director Dr. Grace Santiago na batay sa kanilang talaan ay ilang dahilan ng pagtaas ng kaso ang pagluluwag umano sa ipinapatupad na health protocols.
Ikinokonsidera rin niya ang posibleng pagkakaroon ng nakakahawang Omicron variant sa rehiyon na dahilan ng pagtaas ng kaso ng mga tinamaan ng COVID-19.
Bagama’t hindi maituturing na mayroon ng community transmission ng bagong variant sa rehiyon dahil sa kakaunti pa lamang ang mga naisasailalim sa genome sequencing ngunit maaari na aniya itong i-assume.
Hindi aniya maitatanggi na dumarami na rin ang mga karatig probinsya na nasa ilalim ng Alert Level 4 kaya’t hindi malabo na maipatupad rin ito sa lambak ng Cagayan.
Dagdag pa ni Santiago, maraming pamamaraan upang matukoy ang dahilan ng pagtaas ng naitatalang tinatamaan ng naturang sakit.
Ngayong araw ay nakatakdang pag-usapan ng Regional IATF ang usapin kung itataas sa Alert Level 4 o maibaba sa Alert Level 2 ang buong rehiyon dos.
Patuloy naman ang paghimok sa publiko na sundin ang minimum health protocol sa pag-iwas sa COVID-19.