Kasabay ng pagbabalik operasyon ngayong araw ng MRT-3, mas hinigpitan pa ng pamunuan ang mga ipinapatupad na health protocols sa loob ng istasyon ng mga tren.
Sa interview ng RMN Manila kay MRT-3 Director for Operations Engr. Michael Capati, sinabi nito na pinag-suot na nila ng Personal Protective Equipments (PPEs) ang mahigit 3,000 empleyado ng MRT-3.
Patuloy rin aniya ang contact tracing dahil posibleng maaaring nanggaling sa pinagdaanan ng mga empleyado papasok ng trabaho o sa pera ang virus.
Bukod rito, nagdagdag din ang pamunuan ng ilan pang protocols para sa mga pasahero bago makasakay ng tren.
Sumasailalim din sa 5-minute disinfection ng bawat tren pagdating sa North Avenue Station at Taft Avenue Station.
Simula kaninang umaga, nasa labing dalawang tren lang ang tumatakbo sa MRT-3 kung saan nasa 53 pasahero lang ang pinapasakay.
Kahit may biyahe na ang MRT, tuloy pa rin ang biyahe ng 90 unit ng bus augmentation program.
Nabatid na umabot sa 281 ang empleyado ng MRT-3 na positibo sa COVID-19 kung saan kasalukuyang naka-quarantine ang mga ito sa World Trade Center, Philippine Arena, at Philsports Arena.