Inaprubahan na sa House Committee on Persons with Disabilites ang panukala para sa mas pinahigpit na pag-iisyu ng Person with Disability Identification Card (PWD IDs).
Sa House Bill 7091 na iniakda ni Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo ay pinaa-amyendahan nito ang RA 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons.
Sa ilalim ng panukala ay ipapatupad ang istriktong pagsusumite ng mga requirements at mahigpit na pagbabantay sa pag-iisyu ng mga identification cards para sa mga indibidwal na may kapansanan.
Nakasaad din sa panukala ang pagpaparusa sa mga masasangkot sa pamemeke ng mga dokumento para sa pagkuha ng PWD IDs.
Ilan sa mga rekomendasyon ng iba’t ibang ahensya para sa panukala ay gawin na lamang iisa o uniformed ang PWD IDs sa halip na magkahiwalay na “Apparent at Non-Apparent Disablity” IDs na unang iminungkahi ng Department of Health (DOH).
Hiniling naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gawin nang “lifetime” ang validity ng mga IDs na inisyu sa mga may “Inborn o Permanent Disability” upang hindi na ito i-renew pa kada limang taon.
Sang-ayon naman sa panukala si Negros Occidental Rep. Ma. Lourdes Arroyo, Chairperson ng komite, dahil talamak na rin ang mga reports sa pangaabuso sa paggamit ng PWD IDs.