Mas mahigpit na pagpapatupad ng MECQ guidelines, ipinag-utos ng Pasay LGU

Ipinag-utos ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) guidelines ngayong pinalawig ito hanggang May 14.

Ito ay upang mapanatili nila ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod na sa kasalukuyan ay nasa 270 na lamang ang active cases.

Ayon sa alkalde, magdaragdag sila ng mga tauhan upang masigurong naipapatupad ang curfew hour mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga at ang pag-aresto sa mga lumalabag dito.


Inatasan rin niya ang mga pulis, mga opisyal ng barangay at tanod, Pasay City Public Order and Safety Unit (POSU) at Pasay City Environment and Natural Resources na mahigpit na ipatupad sa buong lungsod ang health measures at protocols.

Pinasisiguro rin ni Rubiano na lahat ng malls ay maipapatupad ang 50% capacity habang ang mga barbershops, nail spa, beauty salon at iba pang personal care establishments ay nasa 30% capacity kung saan ang mga dine-in restaurants ay hanggang 10% capacity lamang.

Ang mga hotel o iba pang accommodation establishments ay kinakailangan naman na makakuka ng accreditation sa Department of Tourism (DOT) para tumanggap ng kani-kanilang guests.

Facebook Comments