Manila, Philippines – Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila mayors na magkaroon ng mas mahigpit na guidelines sa pag-tow at pag-impound ng mga sasakyan.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia ito ang napagkasunduan sa naganap na Metro Manila Council meeting kahapon.
Sinabi ni Garcia na ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng master list ng lahat ng towing service operators na accredited ng MMDA at ng Metro Manila Local Government Units.
Sa pamamagitan aniya nito ay madaling malalaman o mamo-monitor ang mga legal at illegal na towing operators pati na ang mga tinaguriang fly-by-night towing operators.
Paliwanag pa nito na dapat ang lahat ng towing service operators na nag-o-operate sa mga lansangan ng Metro Manila ay accredited ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mayroong certification of roadworthiness.
Paalala pa ni Garcia sa mga motorista ang lahat ng unmarked towing service vehicles ay illegal.
Sa nasabi ring pulong posible ding magdagdag ng impounding site sa north south, east and west sector ng Metro Manila dahil sa ngayon tanging sa Tumama Marikina ang impounding area ng MMDA.