Isinusulong sa Kamara ang mas mahigpit na parusa laban sa syndicated vote buying at “cyber-vote buying” sa panahon ng halalan.
Sa inihaing panukala na “Integrity of Suffrage Act of 2022”, inaamyendahan dito ang Section 261 ng Omnibus Election Code.
Ang sinumang masasangkot sa sindikatong pagbili ng boto ay makukulong ng hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 10 taon.
Mahaharap din sa parehong parusa ang mga madadawit sa cyber-vote buying o pagbili ng boto gamit ang information and communications technologies tulad ng websites, software, at applications para sa online banking at money remittances.
Iginiit pa sa panukala na panahon nang amyendahan ang batas lalo pa’t marami nang makabagong modus ng pagbili ng boto.
Tinukoy pa na sindikato rin ang mga nasa likod ng pagbili ng boto na kadalasan ay sa operation center pa ng mga kandidato isinasagawa ang mga iligal na transaksyon at kadalasan ay nagkukubli sa kunwaring ayuda, scholarship o kaya naman ay fuel subsidy.