Mas mahigpit na seguridad, pinaiiral na sa Maynila sa harap ng lalo pang pagtaas ng kaso ng COVID-19

Kasunod ng tumataas na kaso ng COVID-19 cases, ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang mas mahigpit na seguridad sa lungsod.

Pinulong din ng alkalde ang lahat ng opisyal ng mga ahensya sa lungsod kabilang ang Manila Police District.

Sa nasabing pulong, mahigpit ang direktiba ni Mayor Isko sa MPD na palakasin ang presensya ng mga pulis at tiyaking nasusunod ang health protocols.


Pero paalala ng alkalde sa pagpapatupad ng health protocols ay dapat maging magalang pa rin ang mga pulis.

Ang Manila Traffic and Parking Bureau naman inatasan na mag-deploy ng COVID-19 safety marshals para tumulong sa MPD.

Sinabi pa ni Moreno na handa silang magpatupad ng lockdown kung kinakailangan.

Binigyan din ni Moreno ng go signal ang Manila Barangay Bureau para sa otomatikong pag-lockdown ng barangay, sakaling tumaas ang COVID-19 cases sa partikular na lugar.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Mayor Isko ang General Services Office, Department of Engineering and Public Works at Department of Public Services ng lungsod na maghanda ng food boxes na ipapamahagi sa mahigit 700-thousand na pamilya sa lungsod bilang bahagi ng kanilang COVID-19 Food Security Program.

Tiniyak din ni Moreno na handa ang 6 na district hospitals ng Maynila sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments