Normal lang na magpalabas ng travel advisory ang gobyerno ng United Kingdom sa kanilang mga kababayan dito sa Pilipinas.
Kasunod ito nang naganap na pagsabog sa harap ng isang mall sa Cotabato City kung saan dalawa katao ang nasawi.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal, nais lang ng pamahalaan ng United Kingdom na protektahan ang kanilang mga kababayan kaya nagbigay ng paalala.
Pero sa panig aniya ng AFP ay mas iniangat pa nila ang kanilang mga inilalatag na security measures upang hindi na muling maulit pa ang pagpapasabog.
Sa ngayon aniya wala silang namo-monitor na kaparehong pag-atake ng mga local terror group.
Pero panawagan nila sa publiko na maging mapagmatyag at agad na ipagbigay alam sa mga awtoridad kung may namo-monitor na anumang kahina-hinalang bagay o indibidwal.