Manila, Philippines – Umaapela ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga lokal na pamahalaan na palakasin pa ang pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa pagsususpende ng klase.
Ito ay sa harap na rin ng kaliwa’t kanang reklamo ng ilang magulang at mag-aaral sa umanoy mabagal na anunsyo ng class suspension ng ilang lungsod partikular sa Metro Manila.
Ayon kay NDRRMC spokersperson Mina Marasigan, bagamat kinikilala at nirerespeto nila ang kakayahang magpasya ng mga LGU mas maiging paigtingin nila ang information campaign tuwing may masamang panahon.
Sa pamamagitan aniya nito, mas mabilis na pagpapaabot ng mensahe ng city hall o munisipyo sa barangay level na silang direktang magsasabi sa kanilang constituents ng class suspension.
Makakatulong din aniya kung makipag-ugnayan sa mga radio at television network na pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng mga magulang at estudyante tuwing may masamang panahon.