Inutos na ni Philippine National Police o PNP Chief General Guillermo Eleazar sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang pagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa pagkamatay ng isang kadete na si Cadet 3rd Class Karl Magsayo.
Ayon kay PNP chief, batay sa inisyal na imbestigayson, pinagsusuntok hanggang sa mawalan ng malay si Cadet 3rd Class Magsayo ng kaniyang upperclassman na si Cadet 2nd Class Steven Ceasar Maingat sa loob ng akademya.
Sa ngayon ayon kay Eleazar, nasa kustodiya na ng Silang Municipal Police Station ang kadeteng nanakit kay Cadet 3rd Class Magsayo at tinitiyak daw niyang mahaharap ito sa kaso batay na rin sa magiging resulta ng imbestigasyon.
Dagdag pa ni Eleazar, may mga nasawi na noon at marami na rin ang naparusahan at na-kick out sa PNPA dahil sa pananakit ng kapwa kadete.
Kaya nakakalungkot raw aniya na may ganito na namang trahedyang naganap dahil may mga iilan pa ring kadete na matitigas ang ulo at tila hindi pa rin naiitindihan ang mga patakaran at batas lalo na sa Anti-Hazing Law.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PNP chief sa pamilya ni Cadet 3rd Class Magsayo.