Friday, March 20, 2026

Mas malawakang kilos-protesta na tatawaging ‘welgang bayan’ dahil sa mataas na presyo ng petrolyo, isasagawa sa Marso 27 ayon sa grupong PISTON

Pinaplantsa na ng iba’t ibang grupo ang mas malawakang welga sa susunod na linggo.

Sa panayam ng DZXL RMN Manila kay Cerilo Latoreno, Piston Metro Manila South Coordinator, ang ‘Welgang Bayan,’ ay posibleng isagawa sa Marso 27.

Aniya, ang malawakang protesta ay kapag hindi pa rin tutugunan ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanilang hirit na pansamantalang suspendehin ang excise tax at 12 percent VAT.

Aniya, kasama sa ikinakasang kilos-protesta ang mga estudyante, magsasaka, manggagawa at marami pang iba.

Sabay-sabay aniyang kakalampagin ng mga grupo ang pamahalaan dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.

Kasama na rin dito ang binawing pisong taas-pasahe sa mga tradisyunal na jeep at dalawang piso naman para sa mga modernong jeep.

Samantala, nagsagawa muna ng programa ang Piston Southern Metro Manila sa Pasay City bago nakipagkita ang grupo sa kanilang kasamahang nasa Mendiola.

Tatangkain naman ng grupo na makalapit sa Malacañang.

Facebook Comments