Mas malinaw na pag-aaral ukol sa Ivermectin, hihintayin muna ng DOH sa gitna ng mga panawagang bawiin ang special permit nito

Pag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang mga panawagang bawiin na ang compassionate special permit (CSP) ng anti-parasitic drug na Ivermectin.

Ito ay makaraang lumabas sa pag-aaral sa malaysia na wala itong bisa kontra COVID sa halip ay posibleng pang magdulot ng mga side effect gaya heart attack, anemia at diarrhea.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa ngayon ay wala pa namang sapat na mga pag-aaral kung epektibo nga ba talaga o hindi ang Ivermectin lalo’t iba-iba ang karanasan ng mga gumagamit nito.


“Hindi naman malinaw yan e. Hindi naman komo sinabi ng Malaysia na hindi siya effective e paniniwalaan mo agad. E maraming literature e na nagsasabing effective, may iba nagsasabi hindi effective. So wala pang jury na talagang malinaw na judgement kung ano ba ‘to talaga. So, tuloy-tuloy lang ang pag-aaral, mino-monitor natin,” ani Duque.

Kasabay nito, nilinaw ng DOH na pananagutan ng mga doktor sakali mang may mangyaring masama sa kanilang pasyente dahil sa pag-inom ng Ivermectin.

“Ang may responsibilidad diyan yung doktor. Siya ang mananagot kapag ipipilit niya na gagamitin ito [Ivermectin] at makakaigi sa kanyang pasyente, siya ang may kargo de konsensya kung may mangyayari sa kanyang pasyente. So yun ang ibig sabihin ng compassionate special permit,” giit ng kalihim.

“E hindi naman natin binigyan ng certificate of product registration for COVID use ang Ivermectin,” dagdag niya.

Samantala, nanawagan naman ang health expert na si Dr. Tony leachon sa Food and Drug Administration (FDA) na agad i-pullout sa merkado ang Ivermectin.

Ayon sa dating special adviser ng National Task Force Against COVID-19, dapat na aksyunan agad ito ng DOH at FDA lalo’t sila na mismo ang nagsabing hindi epektibo ang gamot laban sa virus.

Nababahala rin si Leachon na kung hindi agad maaalis sa merkado ang Ivermectin ay magamit pa ito ng mga taong nagse-self medicate na lamang kapag nakararanas ng sintomas ng COVID.

Naniniwala naman si Leachon na napilitan lang ang FDA na bigyan ng CSP ang Ivermectin dahil sa natatanggap nitong pressure mula sa ilang mambabatas at mga doktor.

Facebook Comments