Opisyal nang epektibo ang isang resolusyon ng Inter Agency Task Force (IATF) for the Emerging Infectious Diseases (EID) na nagrekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na luwagan ang quarantine protocols o travel restrictions sa mga bibiyahe papasok sa Pilipinas.
Sa inilabas na memorandum ni Executive Secretary Lucas Bersamin para sa IATF, inaabisuhan ito na aprubado na ng pangulo ang nasabing rekomendasyon epektibo nitong Biyernes, October 28, 2022.
Sa memorandum ni Bersamin, inuutusan nito ang Bureau of Quarantine (BOQ) sa pakikipag-tulungan ng Department of Health (DOH) at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan na alamin ang iba pang katanggap-tanggap na patunay ng bakuna o proofs of vaccination upang maiwasan ang pagkalito ng publiko o mga papasok sa bansa.
Sa ilalim ng IATF Resolution Number 2, hindi na kailangan ang pre-departure testing requirement para sa mga fully vaccinated travelers o biyahero na papasok sa Pilipinas.
Para naman sa mga hindi bakunado, partially vaccinated at inbound travellers na hindi matukoy ang vaccination status, kailangan lamang nilang magpakita ng negative result ng antigen test na kinuha 24 oras bago ang kanilang pagbiyahe.