Mas marami pang paaralan sa mga lugar na nasa low risk areas, ipinasasama sa face-to-face classes

Pinamamadali na rin ni Assistant Minority Leader France Castro sa Department of Education (DepEd) na dagdagan ang listahan ng mga paaralang lalahok sa face-to-face classes lalo na ang mga nasa low-risk areas.

Sa ngayon kasi ay pinayagan pa lamang ng ahensya ang expansion phase sa mga participating schools ng face-to-face classes kung saan maaaring isama na rin ang ibang grade levels sa mga pisikal na papasok sa mga klase depende sa kapasidad ng mga eskwelahan.

Ayon kay Castro, ngayong nasa ilalim muli ng Alert Level 2 ang maraming lugar sa bansa, maaaring dagdagan ang listahan ng mga paaralan na kasama sa limitadong face-to-face classes.


Aniya pa, ngayong mid-year break ang mga klase ay mas dapat na gamitin ng DepEd ang pagkakataon na paghandaan ang mas pinalawak na listahan pa ng mga paaralang magbubukas.

Giit pa ni Castro, ang pagbabalik paaralan ang pinaka-epektibo pa ring paraan para sa de kalidad na edukasyon at ang pagbubukas ng mga eskwelahan sa mga low-risk areas ay long-overdue na rin na ipinapanawagan.

Umapela ang kongresista na bilisan ng pamahalaan ang plano para sa paghahanda at ligtas na pagbubukas ng mga paaralan nang sa gayon ay maitaas ang kumpyansa ng bansa at tuluyang payagan ang mas marami pang eskwelahan.

Facebook Comments