Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na pabilisin ang pagpapatayo ng mga quarantine centers at field hospitals, lalo na’t patuloy na napupuno ang mga ospital ng mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, na syang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mas mainam itong gawin sa halip na gamitin ang mga paaralan bilang isolation facilities.
Sa ngayon ay nasa 1,000 paaralan na sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang ginagamit bilang isolation facilities.
Giit ni Gachalian, ang paggamit sa mga paaralan bilang isolation facilities o evacuation centers sa panahon ng kalamidad ay hindi dapat pang-matagalan dahil hindi ito nakatutulong upang itaguyod ang kaligtasan ng mga paaralan lalo na sa ilalim ng new normal.
Mungkahi ni Gatchalian, tularan natin ang ibang bansa na nagpapatayo ng mga field hospitals upang paigtingin ang kakayahan ng mga health care system na pangalagaan ang mga pasyenteng may COVID-19.
Diin ni Gatchalian, dapat ay tiyakin ang pagkakaroon ng sapat at angkop na mga pasilidad para sa mga nangangailangan ng tulong medikal sa bansa.