Mas mataas na pagbaha ang naranasan ni Aling Nieves Soriano at ng mga residente sa Kalye Pogi, Barangay Lasip, Calasiao sa kasagsagan ng mga nagdaang bagyo.
Aniya, umabot hanggang lagpas-tao ang baha sa kanilang lugar, dahilan upang sila ay lumikas at halos isang buwan na nakaranas ng pagbaha.
Itinuturong dahilan ng mga residente ang bagong gawang kalsada na, bagama’t may drainage system, ay masikip at hirap umano sa pagdaloy ng tubig.
Dahilan ito upang mas lumalala ang pagbaha sa ilang bahagi ng barangay.
Samantala, nagsagawa ng flood mitigation council meeting ang barangay upang talakayin ang mga suhestiyon ng mga residente at gumawa ng resolusyon para sa posibleng solusyon sa matinding pagbaha.
Isa ang Barangay Lasip sa mga lugar na tumatanggap ng tubig mula sa karatig-barangay tuwing may pag-ulan, dahilan ng matinding epekto ng pagbaha.
Ang lokal na pamahalaan naman ng Calasiao, nagtatag na rin ng Flood Mitigation Council upang hindi na maulit ang naranasang matinding pagbaha ngayong taon









