Asahan na ang mas maraming bilang ng COVID-19 death cases sa bansa sa susunod na buwan.
Ito ang babala ng ilang infectious disease experts sa harap ng higit 3,000 mga bagong kaso ng virus na naitatala kada araw.
Ayon kay Dr. Benjamin Co, Pediatric Infectious Diseases Section Chief ng University Of Santo Tomas Hospital, mas mataas na ang bilang ng namamatay ngayon pero ito ay mula sa mga kasong naitala pa noong mga nakaraang buwan.
Ibig sabihin, dahil sa delay na pag-uulat ng mga bagong kaso, sa susunod na buwan pa makikita ang pagtaas sa mortality rate.
Sinang-ayunan din ito ni Dr. Anna Lisa Ong-Lim, hepe ng Infectious and Tropical Diseases Section ng Philippine General Hospital.
Aniya, imposibleng mapababa ang bilang ng namamatay kung mataas ang naitatalang kaso ng COVID-19.
Dagdag pa ni Dr. Co, hindi dapat ina-assess ng gobyerno ang sitwasyon depende sa case fatality rate.
Punto niya, hanggang ngayon ay nag-uulat pa rin ang Department of Health (DOH) ng death cases mula pa sa mga bagong kasong naitala sa nakalipas na mga buwan.
As of August 17, nasa 1.63% ang case fatality rate ng Pilipinas.