Mas mataas na honoraria at bonus para sa mga taga-barangay, isinusulong sa Kamara

Inihain sa Kamara ang panukala para sa mas mataas na honoraria at Christmas bonus sa mga Barangay officials at workers sa bansa.

Sa House Bill 5846 na inihain ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, inaamyendahan nito ang Local Government Code of 1991 o ang Republic Act 7160.

Sa ilalim ng panukala, makakatanggap ang mga  punong barangay ng honoraria na P10,000 kada buwan habang P8,000 kada buwan naman sa mga miyembro ng barangay, treasurer at secretary.


Samantala, P5,000 kada buwan naman para sa barangay tanod at miyembro ng lupon tagapamayapa at bibigyan din sila ng Christmas bonus ng hindi bababa sa P3,000.

Pinabibigyan din ang mga ito ng medical benefits gayundin ng diskwento at exemption sa tax sa pagbili ng mga gamot at sa mga professional fees ng mga doktor sa lahat ng pribadong ospital.

Layunin ng panukala na kilalanin ang kontribusyon ng mga barangay officials at workers dahil sa kanilang pamamahala sa bansa para masiguro ang kapakanan ng mga komunidad.

Facebook Comments