Mas mataas na pondo para sa kalamidad, isinusulong ni Sen. Imee Marcos

Iminungkahi ni Senator Imee Marcos na dagdagan ang alokasyon ng pondo para sa pagtugon sa kalamidad.

Kaugnay na rin ito sa matinding pagbaha at pinsalang iniwan ng Bagyong Egay sa maraming lalawigan sa bansa at ang inaasahang epekto pa rin ng El Niño sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Sen. Marcos, nararapat lamang na maglaan ng mas mataas na budget ang gobyerno para sa paghahanda sa mga tatamang bagyo gayundin sa pagtugon sa epekto pagkatapos ng pananalasa ng kalamidad.


Aniya, hindi naman tama na kada taon na lamang ay parating tingi-tingi ang paglalaan ng pondo sa mga ahensyang nangunguna sa pagharap sa sakuna at kalamidad tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sasabayan ng dasal na hindi sana maging matindi sa mga susunod na taon ang mga tatamang bagyo sa bansa.

Giit ni Sen. Marcos, ibigay ang tamang amount na kailangan sa mga ahensyang tumutugon sa kalamidad at hindi iyong kada quarter ay kailangang pang humingi dahil magiging magulo lamang ito.

Maliban sa quick response fund (QRF) ay mayroong calamity fund na naitabi ang gobyerno pero duda ang senadora kung kakayanin ito dahil matindi na ang nangyayaring pagbaha.

Umapela rin ang senadora na panahon na para baguhin ang building code at building standards dahil sa lumalala at dumadalas na nararanasang extreme weather disturbance dahil sa climate change.

Facebook Comments