
Isinusulong ng Pilipinas at Japan ang mas malawak na kooperasyon sa pag-iimbak at pagbabahagi ng suplay ng langis upang maprotektahan ang mga bansa sa Asya laban sa posibleng krisis sa enerhiya.
Ito ang naging pangunahing usapin sa ika-apat na Asia Zero Emission Community (AZEC) Leaders’ Meeting sa Maynila na kapwa pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi.
Inihayag ni Takaichi ang panukalang pagtatatag ng Asia Oil Security Task Force, katuwang ang International Energy Agency at Economic Research Institute for ASEAN and East Asia
Layunin nitong gumawa ng mga patakaran sa pagpapalabas at paglilipat ng reserbang langis sa mga bansang nangangailangan nito sa panahon ng emergency.
Iminungkahi rin ng Japan na gamitin ang mga bakanteng oil storage facility nito bilang suporta sa plano ng Pilipinas na magkaroon ng magkasanib na reserba ng langis sa Asya.
Samantala, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na pinapabilis na ng Pilipinas ang pagtatatag ng sariling strategic petroleum reserve upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa bansa.
Nanawagan din ang pangulo ng mas maraming pamumuhunan sa renewable energy, natural gas, energy storage, modernisasyon ng mga linya ng kuryente at nuclear power.
Nabatid na target ng Pilipinas na makapagdagdag ng hindi bababa sa 25 gigawatts na renewable energy capacity pagsapit ng 2035 at maitaas sa 50% ang bahagi ng renewable energy sa produksyon ng kuryente sa 2040.










