Dismayado si Senator Panfilo Ping Lacson na naging tig-singkong duling na lang ang pagsisinungaling under oath sa Pilipinas.
Reaksyon ito ni Lacson sa ginawang pagkalas ni Atty Jude Sabio sa kasong isinampa sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kamakailan ay inihayag ni Sabio na iniuurong nya ang reklamo laban kay Pangulong Duterte dahil “politically motivated” ito.
Binangit ni Lacson na kahit sa mga pagdinig ng Senado, o maging sa mga korte, ay pabali baliktad ang mga testigo o resource persons depende kung sino huling kausap.
Kaugnay nito ay iginiit ni Lacson na pabigatin ang parusa sa mga nagsisinungaling sa kanilang sinunpaang salaysay na ngayon ay pagkakulong na hanggang anim na buwan o mahigit dalawang taon lamang.
Sa inihaing Senate Bill 28, nais ni Lacson na ang mapapatunayang nagsisinungaling na testigo ay patawan ng parusang kapareho ng ipapataw ng hukuman sa akusado.
Kaparehong parusa din ang ipapataw sa mga opisyal o kawani ng pamahalaan na mapapatunayang nagturo para magsinungaling ang sumabit na testigo.