Mas pinaigting na crackdown sa child trafficking, hiniling ng Senado

Muling nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian para sa mas pinaigting na crackdown o pagtugis laban sa lahat ng uri ng child trafficking kasama ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).

Iginiit ni Gatchalian na ang pagsugpo sa mga child traffickers ay nangangahulugan ng epektibong pagpapatupad ng mga batas tulad ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862), at Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) Act (Republic Act No. 11930).

Giit ni Gatchalian, tungkulin ng pamahalaan na tiyakin na mahigpit na naipapatupad ang mga batas para masiguro ang kaligtasan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang anyo ng trafficking.


Tungkulin din aniya ng mga opisyal ng gobyerno na sa pamamagitan ng batas ay matulungan ang mga biktima na muling makabangon at magkaroon ng pag-asa sa buhay.

Batay sa isang pagaaral na “Disrupting Harm in the Philippines”, 20 percent ng mga internet user na edad 12 hanggang 17 taong gulang ang biktima ng grave online sexual abuse at exploitation noong 2021.

Sa iba pang pag-aaral ng “Trafficking in Persons Report” ng US State Department, nananatili ang Pilipinas sa Tier 1 Status, ibig sabihin nakamit ng bansa ang minimum standards para sa tuluyang pagsawata ng trafficking sa bansa.

Magkagayunman, nakasaad sa report ang pangangailangan na madagdagan ang mga tauhan at mga pagsasanay sa paghawak ng digital evidence gayundin ang pagtataas sa suporta sa mga programa na mangangalaga sa kapakanan ng mga biktima ng iba’t ibang uri ng trafficking.

Facebook Comments