PNP Chief Azurin, binisita ang mga pulis na nasugatan sa aksidente sa CDO

Ngayong araw ng mga puso, binisita ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang mga pulis na sugatan sa nangyaring vehicular accident sa Brgy. Maputi, Naawan, Misamis Oriental noong Sabado.

Ang pagbisita ng PNP chief sa mga sugatang pulis ay para personal na ipaabot ang kanyang sinserong pakikidalamhati sa mga naulila at mga biktima ng trahedya.

Sa naturang insidente, pitong aktibong PNP personnel, isang retiradong pulis at isang sibilyan ang nasawi; habang sugatan ang 28 pulis, kung saan 12 ang nagpapagaling sa mga ospital sa CDO at Iligan.


Ani Azurin, nagpapatuloy ang imbestigasyon at sisikapin ng PNP na magpatupad ng mga sistema para maiwasang maulit ang kahalintulad na insidente.

Una nang inatasan ni Gen. Azurin ang Director for Comptrollership at Director of Health Service na ipagkaloob ang lahat ng benepisyo sa mga biktima at kanilang mga pamilya, kabilang ang tulong medikal sa mga sugatan, at pinansyal na suporta sa mga naulila.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakasakay ang mga pulis sa dalawang van patungo ng Iligan City nang makabanggaan ang isang wing van na umano’y nawalan ng kontrol matapos sumabog ang harapang gulong nito.

Facebook Comments