Mas pinalawak na defense cooperation ng Pilipinas at US, suportado ng ilang senador

Suportado ng ilang mga senador ang mas pinalawak na defense cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Kaugnay na rin ito sa pagkakaroon ng apat pang karagdagang EDCA sites sa bansa na itatayo sa mga strategic areas na may layuning mas paigtingin at pabilisin ang suporta para sa humanitarian, climate-related disasters at iba pang pagresponde sa mga hamon na kakaharapin ng dalawang bansa.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, Vice Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security na pabor siya sa ginagawang ‘upgrade’ sa security cooperation ng dalawang bansa lalo’t nagbabago ang kondisyon at mga hamon sa rehiyon.


Pinatitiyak naman ni Tolentino na ang mga pagpapahusay sa kasunduan ay naaayon sa konstitusyon at sa higit na interes ng bansa at dapat ding mailatag ang mga parameters sa pagkakaibigan at soberenya bilang haligi ng nasabing kasunduan.

Samantala, sinabi naman ni Senator Chiz Escudero na ang pagpapalawak ng EDCA ay sakop ng naturang kasunduan at makakatulong ito para maisulong ang regional stability ng bansa katuwang ang matagal nang kaalyado na Estados Unidos.

Facebook Comments