Mas pinasimpleng A4 category, inaprubahan ng IATF

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pinaka-huling pulong nila kagabi ang mas pinasimpleng listahan ng Priority Group A4 ng COVID-19 Immunization Program.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kabilang sa A4 Priority Group ay mga private sector worker na kinakailangang physically present sa kanilang designated workplace o sa labas ng kanilang mga tahanan, government employees kasama ang mga kawani ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Local Government Units (LGUs); gayundin ang informal sector workers, self-employed at private households.

Sinabi pa ni Roque na kabilang din sa mga inaprubahan ng IATF ay ang initial vaccine deployment para sa Priority Group A4 workers sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao.


Samantala, nire-categorized ng IATF sa Priority Group A1 ang mga outbound Overseas Filipino Workers (OFW) na naghihintay na lang ng kanilang deployment abroad.

Makakasama na rin sa Priority Group A1 ang immediate family members ng healthcare workers kapag dumating na ang bulto ng mga bakuna sa bansa.

Facebook Comments