Naniniwala si Committee on National Defense Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson na mas magkakaroon ng balance of power sa South China Sea ngayong higit na pinahalagahan ng bagong administrasyon ng Estados Unidos ang US-PH Mutual Defense Treaty.
Ito ang nakikita ni Lacson na ibubunga ng komunikasyon sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at US State Secretary Antony Blinken.
Una rito ay binanggit ni Blinken sa Twitter na nagkaroon siya ng “great conversation” kay Locsin kasabay ng pagsasabing itutuloy nila ang matibay na alyansa ng Estados Unidos at Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabahagi sa isa’t isa ng kagalingan, kasaysayan, pagpapahalaga at matibay na relasyon ng mga mamamayan.
Tinukoy rin ni Lacson ang pahayag ni US Department of State Spokesperson Ned Price na ang pinasiglang alyansa ng US at Pilipinas ay may napakahalagang magiging kontribusyon sa malaya at bukas na Indo-Pacific Region.
Binanggit din sa pahayag na binigyang diin ni Blinken ang kahalagahan ng Mutual Defense Treaty para sa seguridad ng dalawang magkaalyansang bansa pati na rin sa mga sektor ng tanggulan ng Pilipinas at sa mga sasakyang pandagat at himpapawid na nagagawi sa South China Sea.
Tutulong din umano sa ibang claimants ang US laban sa pangigigipit na ginagawa ng China.