Bumuo ngayon ng special task group ang Department of Agrarian Reform (DAR) na mag-iimbestiga sa nangyaring pagpatay sa tinaguriang Sagay 9.
Sa isang press conference, mariing kinondena ni DAR secretary John Castriciones ang malagim na pangyayari sa Hacienda Nene kasabay ng babala sa mga gustong gamitin ang trahedya para ibintang ito sa mga state forces.
Ayon kay Castriciones tutulak ngayong hapon ang task group patungong Sagay, Negros Occidental.
Beberipikahin ng task group ang impormasyon ng kanilang sources sa lugar na mga miyembro ng Revolutionary Proletarian Army o RPA ang nasa likod ng nangyaring pagpatay.
Ang RPA ay isang breakaway group ng NPA na nagsisilbi na ngayong goons ng mga landlords sa mga hacienda.
Ayon kay Castriciones, sapilitang pinasok ng mga magsasaka ang Hacienda Nene bilang bahagi ng kanilang bungkalan activity.
Nilinaw din ng kalihim na hindi Agrarian Reform beneficiaries ang mga nag-okupang mga magsasaka dahil taong 2001 nang maipamahagi na ang lupa sa dalawamput limang mga donees.
Magpapatawag din ngayong araw ng emergency meeting ng Presidential Agrarian Reform Council Executive Committee si Castriciones para talakayin ang insidente.
Binigyang diin ng DAR secretary na pursigido ang ahensya na resolbahin ang mga land dispute sa pagitan ng mga magsasaka at malalaking landlords sa mga hacienda sa bansa.