Nagpahayag ng pagkabahala ang mga mambabatas sa posibleng maging epekto sa mga Pilipino, ekonomiya ng bansa, at sa pambansang budget para sa susunod na taon, ng pagtaas ng halaga ng dolyar kontra sa piso.
Paliwanag ni Quezon Province Representative Reynante Arrogancia, tuwing tumataas ang halaga ng dolyar, nagmamahal ang presyo ng mga imported na produkto at materyales gaya ng semento, electrical wirings, at langis na kailangan sa flagship projects ng gobyerno.
Bunsod nito ay hinikayat ni Arrogancia ang Bangko Sentral Monetary Board na pagnilayang mabuti ang epekto ng pagmahal ng dolyar sa ekonomiya at mga sektor nito dahil dapat matanto kung hanggang saan matitiis ng mga importer, logistics, shipping, at transport sector ang pagbagsak ng piso kontra dolyar.
Ayon naman kay Deputy Minority Leader Herrera at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera, maaaring kailangan nang rebisahin ng Development Budget Coordinating Committee ang mga target nila para sa foreign exchange rate at inflation dahil ilang buwan nang lagpas sa kanilang target range ang mga ito.
Napansin kasi ni Herrera na mas mataas sa 4 percent ang inflation mula pa noong Abril at lagpas na sa P52 ang forex mula pa noong Marso.
Ipinaliwanag naman ni Rep. Edwin Gardiola ng Construction Workers Solidarity Party-list na ang pagmahal ng dolyar kumpara sa piso ay hindi nangangahulugan ng paghina ng ekonomiya ng Pilipinas dahil malakas lang talaga ang dolyar ngayon kumpara sa maraming currencies.
Dagdag pa ni Gardiola, nasa “uncharted territory” ngayon ang forex rate at mataas ang demand sa dolyar dahil maraming bansa ang nagbubukas ng ekonomiya sa harap ng unti-unting pagbagal ng pagkalat ng COVID-19.