Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Pilipino na habaan pa ang pasensya at pagtitiyaga kaugnay sa kinakaharap na problema ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasunod na rin ito ng pag-akyat sa 67,456 ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 22,465 ang gumaling na habang 1,831 ang naitalang namatay.
Sa naganap na briefing sa Malacañang, binigyan diin ng Pangulong Duterte na marunong ang Diyos at hindi tayo pababayaan sa panahon ng krisis.
Aminado maging ang Pangulong Duterte na nawawalan na rin siya ng pasensya at para na siyang inutil dahil nalilimitahin din ang kanyang galaw kasunod ng mga ipinapatupad na restriction at prohibition bunsod ng COVID-19.
Pero, muling binigyan diin ng Pangulo na dapat tayong manalig sa Diyos at magsakripisyo, gaya ng pagsasakripisyo ng Panginoon sa sambayanan nang siya ay ipako sa krus.
Tiniyak din ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para tuluyan nang masugpo ang virus.