Paiigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pamamasada ng mga kolorum na traysikel sa Asingan, bilang tugon sa hinaing ng mga lehitimong tricycle drivers na apektado ng hindi patas na kompetisyon sa kanilang kabuhayan.
Sa ipinasang ulat ng Asingan Federation of Tricycle Operators and Drivers Association Inc. sa Sangguniang Bayan, patuloy umanong pumapasada at kumikita ang mga kolorum sa kabila ng kawalan ng prangkisa at permit at hindi pagbabayad ng membership sa mga rehistradong grupo.
Nagiging sistema rin umano ang mga strategy na pagtatago ng mga kolorum tuwing may operasyon ang pulisya kaya hindi sila nahuhuli at napapanagot.
Inihayag naman ng awtoridad ang kakulangan sa agarang impounding dahilan kaya muling nakakabalik sa ilegal na pamamasada ang mga nahuhuling kolorum.
Dahil dito, nakatakdang bumuo ng listahan ng mga pumapasadang kolorum ang Sanggunian at isinulong ang posibleng ebalwasyon sa mga kaugnay na lokal na ordinansa upang matigil ang naturang ilegal na gawain. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










