Cauayan City, Isabela- Inatasan ni Governor Manuel Mamba ang lahat ng alkalde sa Cagayan na gumawa ng mass burial site sa kani-kanilang bayan dahil sa patuloy na pagdami ng mga naitalang namatay sa COVID-19.
Ayon kay Mamba, dapat maging handa ang probinsya sa matinding epekto ng COVID-19 lalo na at may banta ng Delta variant sa lalawigan.
Aniya,maghahanda rin ang provincial government para sa common burial site sa mga maitatalang casualties.
Batay sa pinakahuling datos ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU), labing-apat (14) ang namatay sa COVID-19 sa buong Cagayan kung saan tig-apat (4) ay mula sa bayan ng Buguey at Tuguegarao City; tatlo (3) sa Solana; isa (1) sa Aparri, Iguig, at Sta. Ana.
Mahigit 10 ang naitalang namamatay sa Cagayan mula noong Agosto 12, ayon sa datos ng PESU.
Kaugnay nito, umakyat na sa 600 ang bilang ng mga namatay sa lalawigan at pinakamarami sa Tuguegarao City na umabot sa 186, sinundan ng Baggao na may 43; Solana na may 38; Aparri na amy 29 at Tuao na 29.
Tanging pakiusap lang ni Mamba sa mga Cagayano na higpitan ang paghahanda sa COVID-19 at sundin ang minimum health protocol.