Ipinagbawal ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang anumang uri ng mass gathering sa lungsod kaugnay sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pebrero 12.
Sa inilabas na Executive Order 006-21 ni Malapitan ay nakasaad na bawal ang mga street party, stage shows, parada, palaro, dragon dance at iba pang aktibidad na maaaring magdulot ng mass gathering.
Ayon kay Mayor Oca, pinirmahan niya ang kautusan bilang pagsunod ng lungsod sa umiiral na community quarantine protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
Nakasaad din sa kautusan na sa mga pribadong pagtitipon ay hanggang 10 tao lamang ang papayagan at kinakailangan mahigpit na ipatupad ang pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.
Ang mga restaurant ay kinakailangan pa rin sundin ang 50% dine-in capacity at 30% capacity naman para sa simbahan at religious activities.
Ipinag-utos din ni Malapitan ang mahigpit na pagpapatupad sa umiiral na ordinansa na nagbabawal sa paggamit at pagbebenta ng paputok gayundin ang ordinansang nagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak.
Inatasan ni Mayor Oca ang Caloocan Police, Department of Public Safety and Traffic Management at mga barangay officials na tiyaking maipatutupad ang nabanggit na mga kautusan.