Umarangkada at tuluy-tuloy ang isinagawang mass testing kung saan patuloy sa pagbaba sa mga barangay ang mga City Health Officer ng San Juan para sa kanilang mass testing sa COVID-19.
Sumalang ngayong araw sa mass testing ang mga indibidwal na itinururing na suspected at probable case ng COVID-19, gayundin ang mga frontliner tulad ng healthcare workers.
Sinimulan kaninang alas-9 ng umaga ang schedule sa San Juan National High School sa Brgy. Corazon De Jesus na tatagal hanggang mamayang hapon.
Bawal ang walk-in, at tanging ang mga may schedule lamang ang pinahihintulutang sumailalim sa mass testing.
Kinakailangan munang makipag-ugnayan sa barangay ang isang pasyente at maaprubahan ang screening at sakaling may katanungan ay maaring tawagan ang San Juan COVID-19 Hotline na may numerong 137-135.
Samantala, sumailalim naman sa hiwalay na COVID-19 test ang mga pulis sa San Juan kung saan isinagawa ang testing sa San Juan Gym.
Sa ngayon, 250 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa San Juan at 37 ang nasawi at 57 naman ang nakarekober na.