Cauayan City, Isabela- Nakatakdang magsagawa ng mass testing ang Department of Health (DOH) sa Tuguegarao City, Cagayan na magsisimula bukas, araw ng Lunes, November 23, 2020 hanggang sa ika-26 ng buwan.
Sa ginawang pakikipagpulong ni Atty. Charade Mercado Grande, Assistant Secretary ng DOH, kasama ang ilan pang mga kinatawan ng ahensiya at maging mga opisyales ng DOH RO2 kay Cagayan Governor Manuel N. Mamba, target ng isasagawang mass testing sa lungsod ay ang mga pamilyang may active cases, ang mga nasalanta ng pagbaha, lalo na ang mga taong naging symptomatic sa mga panahong iyon ay kanila ring susuriin.
Dala ng contingent mula DOH Central Office ang team na magsasagawa ng swabbing at binubuo ito ng 30 indibidwal, kasama na ang mga tents at kagamitan sa pagsusuri na siya namang gagamitin sa mga target na mabigyan ng libreng swab test upang malaman kung may mga nagpositibo sa mga ito.
Kasama rin sa mga susuriin ang mga frontliners, health workers at responders na pangunahing tumutulong ngayong may pandemya at malawakang pagbabaha.
Community-based na ang pamamaraan ng pagsusuri kaya ang mismong mga taga DOH na ang pupunta sa mga barangay at mga evacuation center sa lungsod.
Tinatayang nasa 3,500 individuals ang target na masuri ng DOH sa loob ng tatlong araw na operasyon sa Tuguegarao City.
Pinaalala naman ni Gob. Mamba na huwag kalimutan na isama ang mga kapulisan, barangay officials at tanods, at iba pang frontliners dahil ang mga ito ang unang nakakasalamuha ng mga taong bayan.
Ang isasagawang mass testing sa Lungsod ng Tuguegarao ayon kay Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng Cagayan ay bunsod na rin ng malawakang pagbabaha na nagresulta ng paglikas ng mga mamamayan sa mga evacuation centers na kung saan napabayaan pansamantala ang mga minimum health protocols at ang muling pagsipa ng bilang ng mga positibong kaso sa lungsod.