Mass transport plan laban sa Delta variant surge, dapat ilatag ng gobyerno ngayong panahon ng bagyo

Ibinabala ni Senator Joel Villanueva na maaaring magdulot ng pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 Delta variant ang mga manggagawang wala pang bakuna na nagsisiksikan sa mga bus at jeepney ngayong panahon ng ulan at bagyo.

Tinukoy ni Villanueva na Mahigit 70 porsyento ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ay hindi pwedeng work-from-home, at kinakailangang harapin ang panganib ng sakit araw-araw sa kanilang biyahe patungong trabaho.

Dahil dito ay iginiit ni Villanueva sa gobyerno na magpatupad ng isang mass transport plan na magbibigay ng mas maraming alternatibo sa araw-araw na biyahe para sa mga economic frontliners at ibang manggagawa.


Ayon kay Villanueva, maaring pagkunan ng karagdagang sasakyan tuwing masama ang panahon na magbi-biyahe sa libo-libong manggagawa ay mga bus, van o trak ng pamahalaan, kasama na rin ang militar.

Iminungkahi din Villanueva ang paglalabas ng pondong hindi nagamit o nagastos para sa PUV service contracting sa ilalim ng 2021 national budget at sa Bayanihan II Law.

Facebook Comments