Puspusan ang ginagawang relief distribution at rehabilitation operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga lugar na sinalanta ng magkakasunod na bagyo.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, pinagana na ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay ang lahat ng sea, air at land assets ng militar para mag-transport ng relief goods, construction materials at iba pang mga heavy equipment para sa mga lugar na lubhang sinalanta ng bagyo.
Sa katunayan kanina ay umalis na patungo sa Catanduanes ang isa sa barko ng Philippine Navy, ito ay ang BRP Tarlac, bitbit ang 255 tons ng relief goods at construction materials.
Samantala, sa kabila naman ng pagiging abala ng militar sa relief operations, sinabi ni Arevalo na hindi nagpapakakampante ang mga sundalo sa posibleng pag-atake ng mga terorista.
Kaya naman laging naka-alerto ang hanay ng militar para maprotektahan din ang mga Pilipino laban sa terorismo.