Inamin ng master initiator (MI) ng Tau Gamma Phi Fraternity-Adamson Chapter na si Daniel Perry alyas “Sting” na naging desisyon ng grupo na ilibing na lamang sa halip na dalhin sa ospital si John Matthew Salilig, ang Adamson University student na nasawi sa hazing matapos ang isinagawang initiation rites sa Casile, Laguna.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Sting na hati ang desisyon ng grupo dahil may iba na ang gusto ay dalhin sa ospital si Salilig pero mas pinili o nanaig na ilibing na lamang at dalhin sa may bahagi ng Imus, Cavite ang bangkay ng biktima para doon ibaon.
Sa salaysay ni Sting sa mga senador, gamit ang pala ay palitan sila sa paghuhukay ng paglilibingan kay Salilig na may lalim na 2 feet.
Depensa pa ni Sting na wala noong mga panahon na iyon ang totoong master initiator kaya tumayo lamang siyang acting MI sa welcoming rites kay Salilig at sa iba pa.
Paliwanag pa nito, nagla-lie low na siya sa fraternity dahil graduating student na siya ngayon.
Iginiit naman ni Committee on Justice Chairman Senator Francis Tolentino na dahil sa ginawa nilang krimen ay hindi sila makakapagtapos sa pag-aaral, hindi makakakuha ng board at diretso sila sa kulungan.
Binigyang diin pa ng senador na sinayang nila ang kanilang mga kinabukasan at napakabigat na kaso ang pagdedesisyon nila na huwag dalhin sa ospital at ilibing na lamang si Salilig.