Manila, Philippines – Nagpapatuloy pa rin ngayon ang pagdinig ng Senado ukol sa anti-dengue vaccine na binili ng pamahalaan sa halagang 3.5 Billion pesos.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, may master list na sila ng mga batang nabigyan ng Dengvaxia.
Kaugnay nito ay sinabi ni Committee Chairman Senator Richard gordon sa DOH na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) para hanapin ang mga batang nabakunahan base sa record nila.
Sabi ni Gordon, mahalagang makausap na ng gobyerno ang mga magulang ng nabanggit na mga bata upang mapawi ang kanilang pangamba para sa kalusugan ng kanilang mga anak.
Sinabi din ni Duque, ng mag-anunsyo ang Sanofi ng resulta ng clinical analysis na delikado ang Dengvaxia sa mga batang hindi pa nagkaka-dengue ay agad silang nagsagawa ng execom.
Sabi ni Duque, nagsagawa na rin sila ng heightened surveillance at nag-hire pa ng 30 surveillance officers at ngayon ay inaalam na rin nila ang existing capacity ng DOH regional offices.
Binanggit pa ni Duque na mayroon na rin silang hotline National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon kung saan isinagawa ang Dengue Vaccine Program na ngayon aniya ay kanila na ring ipinatigil.
Nais ni Duque na managot ang Sanofi at ibalik o refund ang 3.5 Billion Pesos na pinambili ng gobyerno.
Iginiit din ni Duque na magkaroon ang Sanofi ng indemnity fund para sa mga nabigyan ng Dengvaxia na dadapuan ng sakit na Dengue.