Inobliga na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Units (LGUs) na pabilisin ang pamamahagi ng Social Amelioration Card at pag kumpleto sa Master list ng mga qualified beneficiaries.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año na dapat nang makarating sa mga benepisyaryo ang tulong ng gobyerno lalo pa at milyong Pilipino ang wala nang kabuhayan dahil sa pinaiiral na Enhanced Community Quarantine.
Muling nagpaalala si Año sa mga LGU at Barangay na hindi nila maaaring limitahan ang mga benepisyaryo sa mga Registered Voters lamang.
Hindi kailangan ang Voter’s ID para maisama lang sa listahan na mabibigyan ng tulong.
Bawal din gamitin ng mga pulitiko ang krisis na ito sa politika tulad ng paglalagay ng mga “Epal” Signages o paglalagay ng pangalan sa Relief Goods na nagbibigay ng kredito sa mga ito.
Nilinaw din ng kalihim na maging ang mga Non-Residents na na-stranded sa Barangay ay kasama sa listahan ng benepisyaryo.
Sa kabuuan, may 18 million Low-Income Families sa buong bansa ang makakatanggap ng espesyal na tulong na magkahalong Food items at Cash na nagkakahalaga mula P5,000 hanggang P8,000 kada buwan depende sa Minimum Wage ng isang partikular na Rehiyon.