Pinakikilos ni Committee on Social Services Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na simulan nang i-update ang listahan ng mga indigent at senior citizens sa bansa.
Ito ay sa harap na rin ng paghahanda sa pagdating ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Mungkahi ni Vargas na habang hinihintay ang vaccination guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF), dapat ay umpisahan na ng DSWD ang pagsusuri at pag-aayos sa masterlist ng mga mahihirap at mga senior citizens.
Kailangan aniyang matanggal sa masterlist ang duplication at pagkakamali sa mga pangalan ng mga target na recipients ng bakuna.
Napakahalaga rin aniya ng tamang data sa pagpaplano ng vaccination program kaya dapat na tiyakin ng DSWD na accurate at updated ang listahan ng mga target na benepisyaryo ng bakuna.
Inirekomenda rin ni Vargas sa DSWD na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at sa mga Local Government Units (LGUs) para makapaglatag ng logistics plan upang epektibong mai-roll-out ang pagbabakuna.
Ang mga indigent senior citizens na nasa 3.7 million ang pangalawa sa prayoridad na mabakunahan ng anti-COVID-19 vaccine, pangatlo naman ang 5.6 million na iba pang senior citizens at pang-apat sa priority ang 12.9 million na pinakamahihirap na mga Pilipino.