Tiniyak ng pamahalaan na patuloy at masusing iniimbestigahan ang mga kasong pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.
Ito ay kasunod na inilabas na ulat ng 2022 Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na nasa ika-pitong pwesto pa rin ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang bigong mapanagot ang mga suspek sa pagpaslang sa mga mamamahayag.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Jose Dominic Clavano IV, hindi titigil ang administrasyong Marcos sa imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay sa mga journalists.
Dagdag pa ni Clavano, gumagawa ang gobyerno ng mga kongkretong hakbang upang maprotektahan ang mga mamamahayag sa bansa.
Samantala, kinalampag naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pamahalaan na bilisan ang mga ginagawang hakbang upang malutas agad ang mga krimen na pagpatay sa mga journalists.