Masusing pag-aaral sa full devolution initiative at paglista sa mga trabaho ng LGUs, inutos ni PBBM sa National Government Agencies

Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa National Government Agencies na magsagawa ng pag-aaral para maisakatuparan ang full devolution initiative at ilista ang mga trabaho na dapat ginagawa ng Local Government Units o LGUs.

Ang direktiba ay ginawa ng pangulo sa pagpupulong ng nakaraang linggo sa Malakanyang.

Sinabi ng presidente, kailangang matukoy ang mga pangunahing trabaho at serbisyo na dapat lamang ginagawa ng LGUs.


Nakasalalay kasi sa kapasidad ng LGU ang pagbibigay ng pondo para rito upang maipatupad ang mga trabaho at serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Paliwanag ng pangulo, kapag natukoy na kulang ang pondo ng LGUs sa pagpapatupad ng kanilang trabaho may programa ang National Government para tulungan sila.

Nagbigay rin ng direktiba ang pangulo sa National Economic and Development Authority (NEDA) para magsagawa ng sensitivity analysis para matukoy ang mas nakikinabang sa mga investment na nakukuha ng administrasyon.

Hinihingi ring ng pangulo ang rekomendasyon ng NEDA para magkaroon ng mas maayos na pagpapatupad ng phased-in devolution, kabilang na ang timeline batay na rin sa kapasidad ng LGU.

Pinasususmite ng pangulo sa NEDA ang kumpletong pag-aaral hanggang sa pagtatapos ng Pebrero sa susunod na taon.

Inutusan din ng pangulo ang Department of the Interior and Local Government (DILG), sa tulong ng Union of Local Authorities of the Philippines, na gumawa ng listahan ng kanilang basic functions at services na nakabatay sa kanilang Devolution Transition Plans, at sa national government.

Binibigyan lang ang DILG ng hanggang January 2024 para ipresenta ito sa pangulo.

Facebook Comments