*Cauayan City, Isabela- *Puspusan ang isinasagawang pagsisiyasat ng pamunuan ng PNP Nueva Vizcaya at ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) para sa agarang pagresolba sa pagpatay kay National Democratic Front Consultant Randy Malayao.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay PSSupt Jeremias Aglugub, Provincial Director ng PNP Nueva Vizcaya, mayroon na silang nakuhang pahayag mula sa kanilang tatlong witness na makakatulong para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Kabilang rin sa kanilang masusing sinisiyasat ang mga kuha ng CCTV Camera sa CCQ Bus stop/restaurant na hinintuan ng Victory liner at maging ang kuha ng CCTV Camera ng sinakyang bus ni Malayao.
Hinihikayat naman ni PSSupt Aglugub ang sinuman na nais tumulong at makapagbigay ng karagdagang impormasyon para sa mas mabilis na paglutas sa naturang insidente.
Inihayag rin nito na sisiyasatin nila ang lahat ng mga anggulo kaugnay sa pamamaril kay Malayao.
Sisikapin din anya ng kanyang pamunuan na matukoy agad ang nasa likod ng pamamaril upang malutas ang nasabing kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Randy Malayao.
Magugunita na noong Enero 30, 2019 ng madaling araw ay pinagbabaril ng dalawang beses sa ulo ng isang gun man si Malayao habang ito ay natutulog sa loob ng sinakyang nakaparadang bus sa CCQ restaurant, Darapidap Aritao, Nueva Vizcaya.