Mataas na demand sa kuryente tuwing summer, dapat matagal nang pinaghandaan

Kaisa si Senador Risa Hontiveros sa mga nagsusulong na imbestigahan ang mga blackout na nararanasan sa ilang mga lugar sa Luzon matapos ideklarang nasa Red Alert status ang Luzon Grid.

Ayon kay Hontiveros, ang mga blackout kasabay ng pananalasa ng Bagyong Dante ay dagdag na pagsubok sa storage ng mga nakaimbak na COVID-19 vaccines.

Dismayado si Hontiveros kung bakit hindi natupad ang pagtiyak ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang magiging problema sa suplay ng kuryente ngayong summer.


Hindi rin katanggap-tanggap para kay Hontiveros ang paliwanag ng Department of Energy at National Grid Corporation of the Philippines na kaya numinipis ang supply ng kuryente ay dahil sa tumaas na konsumo sa kuryente na bunsod ng malakas na paggamit ng appliances katulad ng aircon at mga electric fan.

Para kay Hontiveros, napakalamya ng paliwanag na ito ng DOE at NGCP dahil bawat taon namang kinakaharap ng bansa ang mainit na panahon kaya dapat ay napaghandaan na ito lalo’t nasa ilalim tayo ng pandemya.

Bukod sa isinusulong na imbestigasyon ay nakatakda ring maghain si Hontiveros ng isang resolusyon upang pababain ang presyo ng kuryente na isa sa pangunahing layunin ng Electric Power Reform Act o EPIRA.

Facebook Comments