Inaasahan na ng World Health Organization (WHO) ang mataas na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, batid nila ang mataas na transmission sa National Capital Region (NCR) bunsod ng pinaluwag na quarantine measures ng gobyerno para makabawi ang ekonomiya ng bansa.
Nakakabahala aniya ang mataas na positivity rate ng bansa o bilang ng mga nagpopositibo sa virus na nasa 6.5 percent.
Dahil dito, iminungkahi ni Abeyasinghe na dapat gamitin ng bansa ang lahat ng hakbang para masiguro ang pagpapatupad ng komprehensibong pagtugon sa pandemya.
Samantala, bagama’t umabot na sa isang milyon ang bilang ng COVID-19 tests na naisagawa ng pamahalaan, iginiit ni Chief Testing Czar Vince Dizon na hindi pa ito sapat.
Naunang sinabi ni Dizon na layong maabot ng pamahalaan ang isang milyong tests sa Hulyo at target nitong makapagsagawa ng 10 milyong tests sa loob ng 10 buwan.
Sa target na 30,000 tests araw-araw, sinabi ni Dizon na umabot na sa 25,000 tests kada araw ang naisagawa noong Hulyo 9, 2020.
Pinuri rin ni Dizon ang mga alkalde ng NCR, kung saan nagmumula ang 15,000 hanggang 16,000 ng mga test araw-araw.