Cauayan City, Isabela- Boluntaryong sumuko sa kasundaluhan at kapulisan ang isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Bontoc, Mountain Province.
Ang pagsuko ni Jacinto Faroden alyas Digbay, 1st Deputy Secretary ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) CPP-NPA ay dahil sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga pinagsanib na pwersa ng 54th Infantry Battalion, 5MIB, 503IB ng 5ID, Philippine Army at ng Cordillera Police Regional Office na nagsimula pa noong Marso 2019.
Pinapurihan naman ni Brigadier General Laurence E. Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, ang mga sundalo at pulis sa pagtitiyaga na hikayating magbalik-loob ang naturang opisyal na naging daan sa kanyang tuluyang pagsuko.
Naniniwala ang Kumander na ang matagumpay na pagpapasuko kay Digbay ay makakaapekto sa ICRC lalo na ang mga miyembro nito sa Ilocos at Cordillera Regions.
Nagpahayag din ng pasasalamat si BGen Mina kay Digbay dahil sa naging desisyon nitong umalis at talikuran ang rebeldeng kilusan.