Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na artipisyal na pagtaas ng presyo ng galunggong lamang ang nararanasan sa mga pamilihan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni BFAR National Director Eduardo Gongona na ang suplay ng galunggong ay tira mula sa inangkat ng bansa noong closed fishing season.
Aniya, sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ay babalik na sa normal ang presyo ng galunggong.
“Lumabas na po ang ating mga fishing vessels kaya in two to three weeks or sooner, mararamdaman na natin na magkakaroon na ng maraming suplay na produksyon and other archipelagic fish.” ani Gongona.
Kasunod nito, tiniyak ni Gongona na hindi mauubusan ng suplay ng tilapia at bangus ang bansa dahil sa mga local producers na patuloy na sinusupotahan ng ahensya.
Sa katunayan, paliwanag pa nito, nagbaba ng kautusan si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na dapat i-maximize ang mga lokal na produksyon ng isda sa bansa.
“Sinusunod namin ‘yong utos ni Secretary Dar na dapat i-maximize ang local na produksyon. Sa distribution, kailangan ‘yong mas maraming isda madala iyon sa mga nagkululang. Kailangan ding mag-food diversification tayo. Bakit ka naman bibili ng mas mahal na galunggong kung pwede ka namang bumili ng mas murang tilapia.” giit pa ni Gongona.