Pinasisiyasat ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang mataas na presyo ng karneng baboy sa bansa.
Sa resolusyong inihain ng kongresista, inaatasan dito ang House Committee on Agriculture na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa napakamahal na presyo ng baboy.
Tinukoy sa resolusyon na nagpatupad ng price freeze sa mga basic agricultural at fishery products noong Nobyembre 2020 bunsod na rin ng sunod-sunod na tumama na bagyo sa bansa na tatagal dapat hanggang ngayong Enero 2021.
Ngunit tumaas pa nga ang inflation rate sa karne sa 9.95% noong December 2020 mula sa 8.15% noong November 2020 at ngayong Enero ay tumaas pa sa 55% ang pork prices sa merkado na umabot na sa ₱400 ang kada kilo.
Kaugnay dito ay pinakikilos ni Quimbo ang Philippine Competition Commission (PCC) na mamagitan at silipin ang potensyal na dahilan ng pagtaas ng presyon.
Nanindigan din ang lady solon na hindi solusyon ang price freeze para mapababa ang presyo ng karne at magdudulot lamang ito ng mas malaking dagok sa mga hog at poultry raisers na kapwa tinamaan ng swine at bird flu.
Nababahala ang mambabatas na magiging dehado o lugi ang mga local hog raisers sa planong pag-aalis ng duties at tax sa imported na karne at hindi rin malayo na may unfair trade practices sa pagitan ng mga middleman at traders na dapat silipin ng PCC.